Ito ang una kong blogpost na nasa wikang Filipino. Kahit hindi ganap na Filipino ang ginamit ko sa lahat ng parte bagamat mahirap, sisikapin kong tapusin ito upang maipakita ang pagkamakabayan ko sa buong mundo.
Sa nakaraang mga linggo, napapansin ko na ang lengguwahe na pinagtutuunan ko ng pansin ay ang wikang Ingles. Sinabi ko sa sarili ko, "Wala namang masama dahil nakatutulong din naman sa akin pagdating sa komunikasyon at sa aking pag-aaral." Ngunit hindi na nagtagal nang napansin ko na nahihirapan na akong bumuo ng kahit simpleng pangungusap sa Filipino. Hindi ko na kayang makipag-usap ng deretsong Filipino at kailangan ay laging may Ingles na salita upang mapaltan ang mga katagang nasa dulo na ng dila ko ngunit hindi ko masambit ng deretso. Sa loob ko, ako ay nasasaktan.
Siguro nga ay nakakatulong ang wikang Ingles sa pang-araw-araw na pamumuhay. Aaminin ko na ako mismo ay naiinis sa mga artista o mga kilalang tao na nakararating lamang ng Amerika ay nakakalimutan na ang wikang kinagisnan. Nakakainis nga naman, diba? Na kahit isang araw o linggo ka lamang dumalo sa isang kaganapan sa ibang bansa ay may lakas ng loob ka nang mag-Ingles kahit paputol-putol at may kahalong Filipino. Tama? Nakatutulong nga naman sa imahe nila ang pagsasalita ng Ingles, dahil ito ika nga ang "Global Language". Ngunit ang pinagtataka ko lang ay kung bakit kung minsan ay tinatanong sila ng Filipino at sa wikang Ingles sila sumasagot. Hindi ba ito ay kawalang-galangan sa nagtatanong sa kanila? Siguro nga ay talagang mapagpaimbabaw ang mga artistang ito. At ito ay wala nang kinalaman sa atin. Marahil kaya ginagawa rin nila ito ay dahil makitid ang isipan ng mga manonood at kapag galing kang Amerika at hindi ka nag-Ingles ay sasabihing "Pumunta ba talaga siya dun?" Subalit ano nga naman ang pakialam ng mga artistang ito sa sasabihin ng iba, diba? Basta sila at ang Diyos ang may alam ng totoo. Ngunit ang natatanging makasasagot sa tanong na ito ay ang mga taong nasasangkot. Dahil malay ba natin kung ano ang totoo nilang pinagdaanan at nararamdaman diba?
Naiinis nga ako sa mga taong ganyan. Subalit ako rin ba, kapag ako ay makikipagpanayam sa reporter ay ano ba ang gagamitin ko, Ingles o Filipino? Siguro ay maguguluhan din ako. Ngunit dahil sa blog na ito, natutunan ko na ang sagot ay depende sa tanong. LOL. Ngayon ay nag-aaral na muli ako ng wikang Filipino para sa aming pagsusulit bukas.
Ayan, nabuo ko na ang blogpost na ito. At natapos ko ito sa katakot-takot na 51 minuto. Sana ay magbalik sa aking ang pakiramdam ng pagiging makabayan sa susunod na mga araw! Hanggang sa muli!
Lux In Domino!
-CJ
0 comments:
Post a Comment